COLONIAL MENTALITY: NAGIGING SALIK SA PAGKATUTO NG WIKANG FILIPINO
LAARNIE L. DE JESUS
Hindi lingid sa ating kaalaman ang mga pananakop ng ilang mga dayuhan sa ating bansa. Ang mga bansang ito ay nagbigay sa atin ng iba’t ibang kontribusyon sa ating lipunan at nag-iwan din ng malaking impluwensya sa pag-uugali at pananalita ng mga Pilipino. Ang tinatawag nating “colonial mentality” ay isang pag-uugali na umiiral ngayon sa ating henerasyon kung saan ang mga Pilipino ay mas higit na binibigyang pagpapahalaga ang mga konsepto gaya ng pananalita na kanilang natutunan sa mga banyaga kumpara sa wika na mula sa sariling bayan o bansa. Ang uri ng mentalidad na ito ay nakababahala para sa pagtuturo ng Wikang Filipino sa paaralan. Sa pag-aaral ng Wikang Filipino, naglalayon na tangkilikin at mahalin ang sariling wika na mayroon tayo at maging epektibo sa pananalita ng wikang Filipino sa proseso ng komunikasyon at magamit ng wasto ang Filipino sa pagsulat.
Ang colonial mentality ay maituturing na isang salik sa iba’t ibang larangan. Hindi nagbibigay ng mabuting epekto sa sariling bansa sapagkat nagagawang maisantabi ang halaga ng mga bagay na mula sa ating sariling bayan. Sa pagtuturo ng Wikang Filipino sa paaralan, isa sa tinitignan na salik na kinakaharap ng mga guro ang pagharap ng kabataan sa colonial mentality. Mula sa pagbati, mas sanay na bigkasin ng mag-aaral ang “Goodmorning” kumpara sa Magandang Umaga at sa mga pagkakataon na nagpapaliwanag ng isang konsepto sa klase, mas naipapahayag nila ng mahusay ang kanilang sagot gamit ang salitang ingles. Nakakalungkot man isipin ngunit ito ang itsura ng reyalidad, ang mentalidad o pag-iisip ng indibidwal na mas nakakahigit at nakakaangat ng pagkatao kung maririnig ka magsalita ng ingles kaysa gamitin ang sariling wika ng bansa.
Dahil sa patuloy na pagsasawalang bahala ng mga kabataan sa Wikang Filipino ay nakakalimutan nila ang halaga nito sa kanilang buhay. Tandaan na ang Wikang Filipino ang nagbuklod sa atin noon upang maging isa, at ito pa rin ang magbubuklod sa atin, simula noon hanggang ngayon at magpakailanman. Sa modernong panahon, ang pagtingin ng kabataan na ang basehan ng kagalingan at katalinuhan ay sa pagiging matatas o magaling mo sa pagsasalita ng ingles, ngunit ang iba’y hindi makitang mahusay din at magaling ang taong may kakayahang komunikatibo gamit ang wikang Filipino. Bilang mamamayang Pilipino, mainam na tayo ang unang tumatangkilik sa ating sariling wika at nagpapahalaga sa kultura na ating kinagisnan na humubog sa ating pagkatao. Ang wika ang anino ng ating pagkakakilanlan, nakadikit na sa ating pagkatao ang ating wika.
Sa kabuuan, maging instrumento tayo na ibalik ang pagmamahal sa ating wika. Hindi lang natin ito pag-aaralan bilang isang aralin sa paaralan ngunit magkaroon tayo ng interes na mas kilalanin pa natin ang wika ng ating bansa. Manguna tayo na pahalagahan ang yaman na hatid sa ating ng ating wika, huwag tayo magpagapos sa kadenang ipinukal sa atin ng mga impluwensya ng banyaga, anumang aral at konsepto na natutunan natin sa iba ay tanggapin natin nang hindi naisasantabi ang aral na ibinahagi sa atin ng ating ng bansa.
-oOoThe author is Teacher III at CMRICTHS Angeles City
PERSPECTIVE!
en-ph
2023-12-13T08:00:00.0000000Z
2023-12-13T08:00:00.0000000Z
https://epaper.sunstar.com.ph/article/281655374859783
SunStar Publishing Inc.